—¡Ah! ipatawad po ninyong salabatin co ang inyong pananalitâ—anang binatà, na idinahan ang voces at inilapít ng̃ cauntî ang canyang upuan; sinabi po ninyo ang isang salitâ na totoong nacaakit sa aking magdilidili. ¡Tunay ng̃a cayang catutubò ng̃ mg̃a dalisay na tagarito ang pagca "indolente," ó nangyayari ang sinasabi ng̃ isang maglalacbáy na taga ibang lupain, na tinátacpan natin ng̃ pagca indolenteng ito ang ating sariling pagca indolente, ang pagcáhuli natin sa pagsulong sa mg̃a carunung̃an at ang ating paraan ng̃ pamamahala sa lupaíng nasasacupan? Ang sinabi niya'y ucol sa mg̃a ibang lupaíng sacóp, na ang mg̃a nananahan doo'y pawang sa lahì ring iyan!...
—¡Ohó! ¡Mg̃a cainguitan! ¡Itanong pô ninyo cay guinoong Laruja na nacakikílala rin sa lupaíng itó; itanong ninyo sa canya cung may mg̃a catulad ang camangmang̃an at ang pagca "indolente" ng̃ indio!
—Tunay ng̃a—ang sagót namán ng̃ bulilít na lalaking siyang binangguit—¡hindî po cayó macacakita sa alin mang panig ng̃ daigdíg ng̃ híhiguit pa sa pagca indolente ng̃ indio, sa alin mang panig ng̃ daigdíg!
—¡Ni iba pang lalong napacasama ng̃ asal na pinagcaratihan, ni iba pang lalong hindî marunong cumilala ng̃ utang na loob!
—¡At ng̃ ibang lalong masamâ ang túrò!
Nagpasimulâ ang binatang mapulá ang buhóc ng̃ pagpapaling̃apling̃ap sa magcabicabilà ng̃ boong pag-aalap-ap.
—Mg̃a guinoo—ang sinabing marahan—tila mandin tayo'y na sa bahay ng̃ isang "indio". Ang mg̃a guinoong dalagang iyan....
—¡Bah! huwag cayóng napaca magugunigunihin! Hindî ipinalalagay ni Santiagong siya'y "indio," bucód sa roo'y hindî siya naháharap, at.... ¡cahi't náhaharap man siya! Iya'y mg̃a cahaling̃án ng̃ mg̃a bágong dating. Hayaan ninyong macaraan ang ilang bowan; magbabago cayóng isipán pagca cayo'y nacapagmalimít sa maraming mg̃a fiesta at "bailujan", nacatulog sa mg̃a catre at nacacain ng̃ maraming "tinola".
—Tinatawag po ba ninyong tinola ang bung̃ang cahoy na cahawig ng̃ "loto" na ... ganyan ... nacapagmamalimutin sa mg̃a tao?
—¡Ano bang loto ni loteria!—ang sagot ni párì Dámasong nagtátawa;—nagsasalitâ cayó ng̃ mg̃a cahaling̃án. Ang tinola ay ang pinaghalong inahíng manoc at sacá úpo. ¿Buhat pa cailán dumating cayó?
—Apat na araw—ang sagot ng̃ binatang ga namumuhî na.
—¿Naparito ba cayong may catungculan?
—Hindi pô; naparito acó sa aking sariling gugol upang mapagkilala co ang lupaíng itó.
—¡Aba, napacatang̃ì namang ibon!—ang saysay ni Fr. Dámaso, na siya'y minamasdan ng̃ boong pagtatacá—¡Pumarito sa sariling gugol at sa mg̃a cahaling̃án lamang! ¡Cacaibá namáng totoo! ¡Ganyang caraming mg̃a libro ... sucat na ang magcaroon ng̃ dalawang dáling noo.... Sa ganya'y maraming sumulat ng̃ mg̃a dakílang libro! ¡Sucat na ang magcaroon ng̃ dalawang daling noo....