—¿Na cung anó ang íbig cong sabíhin?—ang inulit ni Fr. Dámaso, na lalong inilacás ang voces at humaráp sa teniente.—¡Sinasabi co ang ibig cong sabihin! Acó, ang ibig cong sabihi'y pagca itinatapon ng̃ cura sa canyáng libing̃an ang bangcáy ng̃ isáng "hereje," sino man, cahi ma't ang hárì ay waláng catuwirang makialám, at lalò ng̃ waláng catuwirang macapagparusa. ¡At ng̃ayo'y ang isáng "generalito", ang isáng generalito Calamidad ...!
—¡Párì, ang canyáng Carilagán (ang marilág bagáng Gobernador General) ay Vice-Real Patrono,—ang sigaw ng̃ teniente na nagtindíg.
—¡Anó bang Carilagán ó Vice-Real Patrono man!—ang sagót ng̃ franciscanong nagtindíg din.—Cung nangyari itó sa ibáng panaho'y kinaladcád sana siyá ng̃ pababâ sa hagdanan, tulad ng̃ minsa'y guinawâ ng̃ mg̃a Capisanan ng̃ mg̃a fraile sa pusóng na Gobernador Bustamante. ¡Ang mg̃a panahóng iyón ang tunay na panahón ng̃ pananampalataya!
—Ipinauunawà co sa inyó na di co maitutulot ... Ang "Canyang Carilagán," (ó ang marilág na Gobernador General) ang pinacacatawán ng̃ Canyáng Macapangyarihan, ang Hárì.
—¡Anó bang hárì ó cung Roque man! Sa ganáng amin ay waláng ibáng hárì cung dî ang tunay....
—¡Tiguil!—ang sigáw ng̃ tenienteng nagbabalà at wari'y mandin ay nag-uutos sa canyáng mg̃a sundalo;—¡ó inyóng pagsisisihan ang lahát ninyóng sinabi ó búcas din ay magbíbigay sabi acó sa Canyang Carilagán!...
—¡Lacad na cayó ng̃ayón din, lacad na cayó!—ang sagót ng̃ boong paglibác ni Fr. Dámaso, na lumapít sa tenienteng nacasuntóc ang camáy.—¿Acalà ba ninyo't may suot acóng hábito'y walâ acóng ...? ¡Lacad na cayo't ipahihíram co pa sa inyó ang aking coche!