May cababâan ang bahay na sinasabi namin, at hindî totoong magaling ang pagcacàanyô; cung hindî napagmasdang mabuti ng̃ "arquitectong" namatnugot sa paggawâ ó ang bagay na ito'y cagagawán ng̃ mg̃a lindól at mg̃a bagyó, sino ma'y walang macapagsasabi ng̃ tucoy. Isáng malapad na hagdanang ma'y cacapitáng culay verde, at nalalatagan ng̃ alfombra sa mumunting panig ang siyang daanan mulâ sa silong ó macapasoc ng̃ pintuang nalalatagan ng̃ "azulejos" hanggang sa cabahayán, na ang linalacara'y napapag-itanan ng̃ mg̃a maceta at álagaan ng̃ mg̃a bulaclac na nacalagay sa "pedestal" na lozang gawâ sa China, na may sarisaring culay at may mg̃a dibujong hindî mapaglirip.